Saturday, December 6, 2008

Parol

Magpapasko na naman. Malamig na naman ang hangin, kumukutikutitap na naman ang mga kabahayan, naririnig na naman natin ang mga awiting nagdadala ng galak sa ating puso sa tuwing ating maririnig ang mga ito, at nakangiti na naman ang bawat labi. Ngunit, ganito nga ba nakikita ng bawat tao ang pasko?

Nung nag-aaral pa ako, Disyembre rin noon, nag-aantay ako ng jeep sa EspaƱa. Gabi na noon at medyo maulan pa. Sinikap ko munang maghanap ng masisilungan dahil bihira na ang jeep na dumadaan ng mga oras na iyon. Medyo madilim sa nasilungan ko at napatingin ako sa gilid ko dahil may gumagalaw - tao pala. Dalawang mag-inang himbing na natutulog sa ilalim ng maliit na silong sa gilid ng kalsada, nakahiga sa karton, at nakakumot ng diyaryo. Iniisip ko, paano kaya nilang nakukuhang makatulog sa gitna ng lamig ng hangin at ulan. Nakakain na kaya sila? Bigla akong napatingin sa malaking Christmas tree sa UST, naisip ko, paano kaya sila magdidiwang ng pasko?

Bago sumapit ang pasko noon, umagang umaga, nanonood kami ng balita habang nag-aalmusal. Biglang may breaking news: mga kabahayan, nasunog gawi sa Makati! Noong una, hindi pa nag-sink in sakin yung balita kasi nagmamadali na ako para pumasok. Noong pagdating ko sa opisina, nagtimpla ako ng kape ko. Sa pagsipsip ko sa mainit na kape, napaso ang aking dila. sa init, naalala ko na naman ang mga nasunugan. Naalala ko, magpapasko na nga pala, papano sila magse-celebrate? Naiisip pa kaya nila yun? Bumalik sa akin ang mga ala-ala ko nung kami naman noon ang nawalan ng tirahan. Mahirap. Parang ang wala kang matatakbuhan. Hindi mo alam kung saan ka matutulog mamaya, bukas ng gabi, at sa mga susunod pang mga araw. Hindi mo alam kung magpapalaboy-laboy ka nalang sa kalye at mababasa ng ulan. Nagalit ako sa sarili ko nung mga oras na iyon kung gano ako naging kamanhid sa nangyaring iyon sa Makati.

Tapos na ang Christmas party namin at pabalik na ako ng school galing sa bahay ng kamag-aral. Sa paglalakad ko sa Dapitan, nakita ko ang mga batang kalye - mga batang namulat nang maaga sa lupit ng buhay. Naglalaro sila, naghahabulan. Di alintana ang simento kahit na nakapaa lang sila, di alintana ang dumi sa katawan, ang iba nga wala pang pang-itaas. Di alintana ang hirap na dinaranas habang sila ay naglalaro - napupuno ng ngiti ang mga labi at halakhakan ang maririnig mo. Sana tulad nila, makadama parin tayo ng tuwa at ligaya sa gitna ng paghihirap natin sa buhay. Sana, tulad ng mga bata, di rin natin alintana ang mga pagsubok na dumarating sa atin.

Magpapasko na. Ano nang nararamdaman mo? Naisip na rin kaya natin kung ano nang nararamdaman nila? Gaya mo ba, may panggastos sila sa mall, pampanood ng sine, pang-noche buena? Ako, ano na bang nagawa ko para sa nararamdaman ng mga taong tulad nila lalo na ngayong magpapasko. Siguro nga, minsan, nagiging manhid ako sa mga bagay bagay sa paligid ko. Magpapatuloy ba akong magiging manhid sa paghihirap ng mga kapwa kong tao na may karapatan din namang makaranas ng kasiyahan sa buhay?

Sana, sa pagsapit ng Pasko, ipadama rin natin sa kapwa natin ang kaligayahang nararamdaman natin. Ang Pasko ay para sa lahat - bata, matanda, mahirap, mayaman dahil ang pagliligtas ng Panginoon ay para din sa lahat, wala s'yang pinili - makasalanan o banal, mayaman o mahirap. Sana, ngayong Pasko, maging instrumento tayo ng pagmamahal ng Panginoon. Sana ngayong Pasko, ipadama natin sa lahat ang tunay na pagmamahal sa lahat lalo na sa nangangailangan nito. At tulad ng isang Parol na nakasabit, maging liwanag tayo sa mga taong nasa gitna ng dilim.

Thursday, December 4, 2008

Paghahanap

Naranasan mo na bang maghanap?
May nawawala ba sa'yo?

Nahanap mo na ba ang hinahanap mo?


Araw araw, marami tayong hinanahap: andyan ang nawawalang tsinelas, nawawalang assignment, nawawalang bolpen, nawawalang relo, nawawalang toothbrush, nawawalang suklay nawawalang anak, lola, lolo, at marami pang nawawala. Mahirap maghanap, mag-iisip ka, mahihilo, malilito, at mawawala. Ngunit sa paghahanap mo, hindi mo alintana ang mga ito, ang importante sa'yo ay makita mo ang hinahanap mo.


Ibinubuhos natin ang karamihan ng oras natin sa paghahanap ng nawawala. Minsan hindi lang natin alam, naghahanap tayo palagi. Parang ako ngayon, nasa proseso ng paghahanap - hindi ng nawawalang aso, nawawalang notebook, o nawawalang baso, kundi paghahanap ng sarili at taimtim na kaligayahan.


Isa na siguro sa pinakamahirap hanapin sa mundo ay ang sarili. Ngunit, maraming klase ng bagay pag sinabing naghahanap ng sarili, nandyan yung hinahanap ang bokasyon, hinahanap ang nakaraan, hinahanap ang sariling pagkatao, at ang pinaka mahirap sa lahat: hanapin ang nawala sa sarili. Marami pang klase ng paghahanap sa sarili, salamat at hindi ako yung huli kong nabanggit. Ang hinahanap ko ngayon ay ang aking bokasyon, "calling" sa igles.


Hindi ako naghahanap ng bokasyon, hinahanap ko ang aking bokasyon. Magkaiba ang dalawang iyon. Ang una, hindi mo alam ang hinahanap mo, ang pangalawa, alam mo ang hinahanap mo. Ang naghahanap ng bokasyon, hindi mo alam ang bokasyon mo kaya ka naghahanap. Ang hinahanap ang bokasyon, alam mo kung ano ang bokasyon mo, hindi mo lang alam kung saan at kailan matatagpuan.


Nagsimula ang aking paghahanap nung ako'y nasa kolehiyo. Sa pinakamatandang pamantasan ng Asya ako nagtapos - ang Unibersidad ng Santo Tomas. Dito ako lumaki at namulat. Marami akong natutunan sa sarili ko at marami akong nalaman. Dito, marami akong natagpuan: aral, bagay, ala-ala, matalik na kaibigan, at mga bagay na kusang dumating nang hindi hinahanap. Dito marami din akong bagay na hinanap at simulang hanapin, marami sa mga ito ay natagpuan ko na bago ako nagtapos at ang iba, hanggang sa ngayon, hindi pa: isa na dito ang aking bokasyon.


Ngunit paano nagsimula?

Napakahabang istorya.

Siguro, sa pagbabasa ng aking mga lathala, malalaman niyo kung paano.


Masarap ang pakiramdam ng nakita ang hinanap at magpapatuloy nang muli ang buhay- ang nawawalang kapares ng tsinelas kaya't makapaglalakad ka na, ang assignment at may maipapasa ka na sa iyong guro, ang bolpen at maipagpapatuloy mo na ang iyong pagsusulat, ang relo at malalaman mo na kung late ka na sa opisina, ang toothbrush at maalis na ang amoy ng iyong hininga, ang suklay at maayos mo na ang buhok mo, at sa wakas makikita mo na ang mga mahal mo sa buhay. Sana, sa paglipas ng panahon, mahanap ko narin ang hinanahap ko.


Sa paghahanap natin ng mga nawawala sa ating bagay, lalo na ang mga higit sa materyal na bagay tulad ng sa akin, ang ating Panginoon lamang ang ating matatakbuhan. Sabi nga ni Santo Tomas de Aquino sa kanyang panalangin, "Lord, true source of Light and Wisdom..." Ang Diyos ang tanging panggagalingan natin ng lakas, matalas na paningin, ginhawa sa pagkapagod, at gabay upang hindi mawala. Si Hesu Kristo lamang ang tanging kasama natin sa paghahanap. Huwag tayo mawawalan ng pag-asa. Ang Panginoon nga, tulad ng isang pastol na naghahanap ng tupa, hindi sumusuko na hanapin tayo.


Sige, at ako'y magpapatuloy muna sa aking paghahanap...